Civil Service Commission , tiniyak na hindi maaapektuhan ang serbisyo ng gobyerno sa flexible work arrangement
Pinawi ng Civil Service Commission o CSC ang pangamba ng publiko na babagal ang mga transaksyon sa gobyerno dahil sa flexible work arrangement.
Sa Laging Handa briefing sa Malakanyang nilinaw ni CSC Commissioner Aileen Lizada na hindi automatic at depende pa rin sa head of agencies kung ipatutupad ang flexible work arrangements.
Sinabi ni Lizada sakali namang ipatupad ang flexible work arrangement ng isang ahensya ng pamahalaan mayroong general requirements na kailangang bumuo ng internal guidelines, mag-abiso at magcomply sa memo ng CSC at Department of Labor and Employment o DOLE.
Inihayag ni Lizada kabilang sa dapat ilatag ang mga trabahong pwedeng magawa sa labas ng opisina at dapat ring mag-adopt ng performance standard.
Ipinaliwanag ni Lizada na dapat output-based ang flexible work arrangement kaya kung hindi makapag-deliver ang empleyado ay pwedeng tanggihan ang mga susunod nitong request para magtrabaho sa labas ng tanggapan.
Inirekomenda rin ng CSC sa mga ahensya ng gobyerno na gumawa ng monitoring scheme o mekanismo gaya ng submission ng arawan o lingguhang accomplishment report.
Vic Somintac