CJ Sereno pinagkukomento ng Korte Suprema sa hiling na mailabas ang resulta ng kanyang psychological test
Inatasan ng Supreme Court en Banc si Chief Justice Maria Lourdes Sereno na magsumite ng komento sa kahilingan na mailabas ang kopya ng resulta ng kanyang psychological at psychiatric test.
Binigyan ng limang araw ng en banc si Sereno para ihain ang kanyang komento sa hirit ni Atty. Lorenzo Gadon na naghain sa kanya ng impeachment case.
Bukod kay Sereno, pinagkukomento rin ng Korte Suprema ang Judicial and Bar Council.
Umapela si Gadon sa Korte Suprema matapos na hindi pumayag ang JBC sa kanyang hiling na makakuha ng kopya ng psychiatric at psychological exam results ng punong mahistrado.
Katwiran ni Gadon hindi sakop ng confidentiality rule ang psychiatric test ni Sereno na kaniyang kinuha noong siya ay aplikante pa lamang sa pagka-punong mahistrado.
Sa kanyang impeachment complaint, iginiit ni Gadon na nagawa ni Sereno ang mga impeachable offense nang dahil sa kanyang “mental disorder.”
Ulat ni: Moira Encina