Clinical trials ng Novavax, nasa late-stage na
Inihayag ng US biotech firm Novavax, na sinisimulan na nila ang final Phase 3 clinical trial para sa kanilang experimental Covid-19 vaccine.
Ang trial na gagawin sa United Kingdom, ay target na nakapag-enroll ng 10,000 volunteers, edad 18-84, sa susunod na apat hanggang anim na linggo.
Sinabi ni Gregory Glenn, presidente ng research and development ng kompanya, na dahil naobserbahan nila at inaasahang magpapatuloy sa UK ang mataas na lebel ng SARS-CoV-2 transmission, tiwala sila na ang mahalagang Phase 3 clinical trial ay magbibigay ng isang near-term view ng magiging bisa ng NVX-CoV2373, ang technical name para sa formulation.
Ito na ang ika-11 Covid-19 vaccine candidate sa buong mundo, na nakaabot sa Phase 3 stage.
Ang kompanya ay pinagkalooban ng $1.6 billion ng gobyerno ng US, para i-develop at pondohan ang gamot, na ibinibigay sa pamamagitan ng dalawang intramuscular injections.
Ang kompanya na nakabase sa Maryland, ay gumamit ng insect cells para magpalago ng synthesized pieces ng spike protein ng virus, na inaasahan nilang magreresulta sa malakas na human immune response.
Gumamit din ang kompanya ng “adjuvant,” isang compound na makapagpapalakas sa produksyon ng neutralizing antibodies.
Dagdag pa ng kompanya, ang gamot na isang liquid formulation, ay maaaring iimbak sa temperaturang 2-8 degrees celsius, refrigerator temperature.
Noong tagsibol, napatunayan ng Novavax ang bisa ng isang seasonal flu vaccine na kanilang dinivelop gamit ang kaparehong teknolohiya.
Agence France-Presse