Clinical trials para sa tatlong COVID-19 vaccines, nakahanda nang simulan
Inihayag ng Food and Drug Administration (FDA), na nakatakdang simulan sa bansa ang tatlong clinical trials para sa COVID-19 vaccines, na una na nilang inaprubahan.
Ito ay ang Phase 3 clinical trials para sa bakunang dinivelop ng Janssen Pharmaceuticals ng Johnson and Johnson, Clover Biopharmaceuticals, at Sinovac.
Sinabi ni FDA Director General Eric Domingo, wala nang nakapending sa kanila na applications para sa clinical trials, at lahat ng tatlong clinical trials na ito ay nabigyan na ng go signal ng FDA, kung saan karamihan sa kanila ay nasa preparatory stage at mag-uumpisa na.
Ayon kay Domingo, ang unang nabigyan ng approval para sa clinical trials sa Pilipinas, ay ang Janssen Pharmaceuticals, sinundan ng Clover, at panghuli ang Sinovac.
Inaprubahan ng FDA ang aplikasyon para sa clinical trial ng Janssen vaccines noong Dec. 28, 2020. Nag-apply ang Janssen para sa clinical trial ng kanilang bakuna sa bansa noong Dec. 13.
Enero 8 naman ngayong taon, nang aprubahan ng FDA ang clinical trial application ng Clover Biopharmaceuticals na unang nakipag-partner sa Coalition for Epidemic Preparedness Innovations (CEPI), GSK, at Dynavax para sa advancement ng kanilang COVID-19 vaccine program.
Sinabi ni Domingo, na ang Clover Biopharmaceuticals ay nag-apply para sa isang clinical trial noong Nov. 25, 2020. Ang Clover vaccine clinical trial ay isang joint Chinese-Australian initiative.
Ang ikatlong vaccine developer na binigyan ng approval ay ang Chinese biopharmaceutical firm, na Sinovac. Inaprubahan ng FDA ang kanilang application noong Jan. 15, 2021. Ang kompanya ay nag-apply noong Oct. 10, 2020.
Ayon kay Domingo, ang tatlong nabanggit na clinical trials ay pwede nang magsimula anomang oras matapos makakuha ng approval ng FDA.
Subalit kalimitan aniyang inaabot ng ilang linggo ang paghahanda sa lugar kung saan gaganapin ang trial, at kailangan ding mag-recruit muna ng volunteers bago makapagsimula, ngunit naniniwala si Domingo sa magsisimula na ito sa lalong madaling panahon dahil alam niyang naghahanda na talaga ang mga ito.
Sinabi ng FDA chief, na ang mga aplikasyon para sa clinical trial ng mga bakuna, ay dumaan sa mahigpit na proseso bago sila binigyan ng approval ng FDA. Kailangan muna nitong makapasa sa Philippine Vaccine Expert Panel, at sa Ethics Board, bago sa FDA.
Ayon kay Domingo, sa kasalukuyan ay hinihintay na lamang ng FDA ang aplikasyon ng Department of Science and Technology (DOST) at ng Department of Health (DOH), para sa World Health Organization (WHO) Solidarity Vaccine Trial.
Ayon sa FDA, may 64 na mga bakuna laban sa COVID-19 na kasalukuyang sumasailalim sa clinical trials sa buong mundo.
Liza Flores