Closure order sa Isetann mall binawi na ng lokal na pamahalaan ng Maynila
Binawi na ng lokal na pamahalaan ng Maynila ang closure order nito laban sa Isetann mall sa Recto.
Ito ay matapos umanong makasunod ang pamunuan ng mall at makuha ang mga kinakailangang permit para ito makapag-operate.
Nabatid na batay na rin ito sa rekumendasyon ni Bureau of Permits Chief Levi Facundo kay Mayor Isko Moreno na inaprubahan naman ng alkalde sa pamamagitan ng kanyang Secretary na si Bernardito Ang.
Batay sa nakasaad sa Lift order nakasunod na umano ang kumpanya sa mga nakitang kakulangan nila na naging dahilan ng pagpapasara sa mall.
Matatandaang Oktubre 9 ay una ng ipinasara ni Mayor Isko ang Isetann mall sa Recto.
Pero babala namab ng lokal na pamahalaan na kung muling makitaan ng paglabag ang mall ay maaari silang mapasara muli o bawiin ang kanilang permit.
Maliban sa pagkuha ng mga permit, binayaran na din umano ng mall ang kanilang Tax deficiency na nagkakahalaga ng 2 milyong piso matapos mag avail ng tax amnesty program ng lokal na pamahalaan.
Nangako rin umano ang mall na hindi na nila papayagan ang pagbebenta ng second hand phones sa kanilang mall.
Ulat ni Madz Moratillo