Co-founder ng Taliban, dumating na sa Kabul
KABUL, Afghanistan (AFP) – Dumating na sa Kabul ngayong araw (Sabado), ang co-founder ng Taliban na si Mullah Abdul Ghani Baradar, upang pag-usapan ang pagtatatag ng isang bagong “inclusive” government sa Afghanistan.
Ang iba pang senior Taliban leaders na nakita sa kapitolyo, ay si Khalil Haqqani na isa sa most wanted terrorists ng America na may patong na $5 million sa kaniyang ulo.
Makikita sa ibinahagi ng pro-Taliban social media, na si Haqqani ay nakipagkita kay Gulbuddin Hekmatyar, isang dating karibal sa panahon ng brutal na civil war sa mga unang bahagi ng 1990s, ngunit ma-impluwensiya pa rin sa Afghan politics.
Sinabi ng isang senior Taliban official, na si Baradar ay makikipagpulong sa jihadi leaders at mga pulitiko para sa isang inclusive government set-up.
Matapos maaresto sa Pakistan noong 2010, si Baradar ay nanatili sa kustodiya hanggang sa mapalaya noong 2018 at ma-relocate sa Qatar.
Siya ay na-appoint bilang pinuno ng political office ng Taliban sa Doha, kung saan pinangasiwaan niya ang paglalagda sa isang kasunduan na nauwi sa kasunduan para i-withdraw na ng US ang kanilang puwersa at tapusin ang 20 taon na nilang kampanya.
Isa pang pangunahing lider ng tinatawag na Haqqani network na si Anas Haqqani, ay nasa Kabul din at nakipagkita ito kay dating Afghan president Hamid Karzai at kay Abdullah Abdullah, na siyang namuno sa overall peace process para sa dating administrasyon.
Agence France-Presse