Coastal cleanup, isinagawa sa Manila Bay at pitong iba pang lugar sa NCR; libu-libong volunteers, lumahok
Muling nakiisa ang Pilipinas sa taunang International Coastal Cleanup Day o ICC na isinasagawa tuwing ikatlong Sabado ng Setyembre.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), malaking bahagi ng plastic waste ay napupunta sa karagatan mula sa mga kabayahan at pamayanan.
Sa Metro Manila, pinangunahan ng DENR-NCR ang 37th International Coastal Cleanup.
Pangunahin itong isinagawa ng DENR sa Manila Bay bilang bahagi ng nagpapatuloy na rehabilitasyon nito.
Sabayan isinagawa ang cleanup sa pitong iba pang lugar sa NCR gaya sa Dolomite Beach.
Nakatuwang ng DENR sa coastal cleanup ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at ang mga mula sa pribadong sektor.
Libu-libong volunteers din ang nagparehistro at lumahok sa clean up.
Sinabi ni DENR-NCR Regional Executive Director Jacqueline Caancan na responsibilidad hindi lang ng gobyerno kundi ng lahat ang paglilinis ng mga basura.
Inihayag pa ng DENR na ang ICC ay hindi pangkaraniwang paglilinis sa dalampasigan na isinasagawa.
Bukod sa pagpulot at pagkolekta sa mga basura na naiipon sa mga baybayin at daluyan ng tubig, ang mga ito ay binibilang at itinatala ng mga volunteer na ginagawang batayan para naman sa pagbuo ng mga polisiya.
Batay sa datos, ang Pilipinas ang pangatlo sa Timog Silangang Asya na may pinakamalaking kontribusyon sa basura sa karagatan.
Pinaalala naman ng Climate Change Commission ang kahalagahan ng pagiingat ng mamamayan sa mga coastline sa bansa na nakatutulong nang malaki para maproteksyunan ang biodiversity, ang mga tao mula sa bagyo, at nakapagbibigay ng kabuhayan.
Ayon kay Climate Change Commission Secretary Robert Borje, mahalaga na gawin ng bawat isang mamamayan ang kanilang bahagi na panatilihing malinis at maayos ang mga coastline na isa sa mga pinakaimportanteng likas na yaman ng bansa para sa mga susunod na henerasyon.
Moira Encina