Coin deposit machines, idi-deploy ng BSP sa piling malls
Maglalagay ang Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ng coin deposit machines (CoDM) sa piling malls para isulong ang epektibong coin recirculation sa bansa.
Lumagda ang BSP at ang partner retailers nito ng memorandum of agreement (MOA) para sa deployment ng coin deposit machines.
Kabuuang 25 makina ang idi-deploy sa piling retail establishments sa Metro Manila at mga kalapit lalawigan.
Ayon sa BSP, dahil sa automated CoDMs ay madaling maidi-deposito ng mga customers ang kanilang barya at ma-redeem ang accumulated value nito mula sa
partner retail establishments sa pamamagitan ng shopping vouchers o rewards card points.
Maaari namang direktang i-credit ng customers ang halaga sa participating bank accounts o electronic wallets.
Sinabi ng BSP na ang fit coins na makukolekta mula sa mga makina ay maibabalik sa sirkulasyon kapag ginamit ito ng retailers na panukli.
Ang unfit coins naman ay aalisin na sa sirkulasyon at ireretiro na ng central bank.
Inihayag ni BSP Governor Felipe Medalla na may problema sa resirkulasyon ng mga barya dahil ang ibang tao ay hinu-hoard o kinu-kolekta ito habang ang iba ay hindi ito ginagamit na nagreresulta sa artificial coin shortage.
Umaasa si Medalla na sa pamamagitan ng proyekto ay mareresolba nito ang nasabing problema.
Tiwala ang opisyal na pagkatapos ng dalawang taong pilot run ay makapagdi-deploy ang BSP ng mga nasabing makina sa mas maraming lokasyon.
Moira Encina