Colombian capital, niyanig ng malakas na lindol
Niyanig ng malakas na lindol ang kabisera ng Colombia na Bogota, na nagpatunog sa mga sirena at sanhi ng saglit na pagpapanic ng mga tao, kabilang ng isang babaeng namatay makaraang tumalon mula sa isang gusali.
Wala namang malaking pinsalang naitala, ngunit ayon sa alkalde ay may mga ulat ng mga taong na-trap sa mga elevator at ilan pang minor events.
Ayon sa Colombian Geological Survey (CGS), ang lindol ay may magnitude na 6.1, habang sa ulat naman ng US Geological Survey (USGS) ito ay 6.3.
Sinabi ng Colombian agency na ang sentro ng lindol ay nasa bayan ng El Calvario na nasa gitna ng bansa, 40 kilometro (25 milya) sa timog-silangan ng Bogota. Sinundan ito ng isang 5.9-magnitude aftershock.
Umuga ang mga gusali at tumunog ang mga sirena, habang libo-libong nagpapanic na mga residente ang naglabasan sa mga kalsada ng kapitolyo.
Sinabi ng alkalde ng kapitolro na si Claudia Lopez, “The only serious incident reported was a woman who threw herself from the 10th floor of a residential building… apparently due to a nervous disorder.”
Kinumpirma ng mga bumbero na patay na nga ang babae.
Ayon sa social media users, naramdaman ang lindol sa mga siyudad ng Villavicencio, Bucaramanga, Tunja, at Ibague, na pawang malapit sa sentro ng lindol.
Babala pa ni Lopez, “Strong tremor in Bogota. Let’s remain calm and cautious. Please take all precautions against possible aftershocks. Calm, serenity and caution.”
Si US ambassador Francisco Palmieri ay kasalukuyang nagtatalumpati sa isang hotel sa Bogota na dinaluhan ni Pangulong Gustavo Petro nang mangyari ang lindol. Hindi naman ipinag-utos sa mga tao roon na lumikas, at nagpatuloy si Palmeri sa kaniyang talumpati nang humupa ang lindol.
Batay sa mga video na inilabas ng lower chamber ng kongreso, isang bahagi ng kisame sa gusali ng kongreso ang natanggal ngunit wala namang nasaktan.
Isang landslide naman ang napaulat sa Villavicencio, habang tanging ang mga bintana ng mga bahay at business establishment ang naapektuhan sa El Calvario, ayon sa update mula sa National Unit for Disaster Risk Management.