Comelec 2nd division ibinasura ang petisyon na layong madiskwalipika at makansela ang COC ni Senatorial candidate Raffy Tulfo
Ibinasura ng 2nd division ng Commission on Elections ang petisyon na layong makansela ang Certificate of Candidacy ni Senatorial candidate Raffy Tulfo at madiskwalipika ito sa halalan.
Ang petisyon ay inihain ng asawa umano ni Tulfo na si Julieta Pearson.
Sa petisyon, iginiit na nagsinungaling umano si Tulfo ng ilagay nito sa kanyang COC na ang pangalan ng asawa nito ay si Jocelyn Pua Tulfo dahil kasal sila nito.
Nagsinungaling din aniya si Tulfo sa COC ng sabihing mahigit 62 taon na itong naninirahan sa Pilipinas gayung isa itong dual citizen at mayroon rin umano itong naka pending na criminal complaint.
Pero sa resolusyon ng Comelec 2nd division, sinabi na mali ang inihaing petisyon dahil ang inihain ay petition for cancellation ng COC ni Tulfo at kasabay nito ay nais rin na madiskwalika ito sa Senatorial race.
Bukod rito, wala rin umanong sapat na merito ang kaso dahil ang civil status ay hindi naman kasama sa mga requirement sa tinatakbuhan nitong posisyon.
Sa isyu naman ng citizenship ay bigo umano ang petitioner na patunayan ang claim nito.
Sa isyu naman ng pending criminal complaint, sinabi ng Comelec na walang obligasyon si Tulfo na ideklara ito sa kanyang COC dahil ang mga inihaing reklamo rito ay wala namang penalty na disqualification from public office.
Isa pa sa ipinunto sa resolusyon ang kabiguan ng petitioner na magsumite ng kopya ng COC ni Tulfo.
Madz Moratillo