Comelec at NBI magtutulungan sa paglaban sa cybercrime at vote buying sa 2025 elections
Nagsanib-puwersa ang Commission on Elections (Comelec) at National Bureau of Investigation (NBI) para masiguro ang mapayapa, malinis, at kapani-paniwalang halalan sa 2025.
Ito ay makaraang lumagda ang dalawang ahensya sa memorandum of agreement (MOA), para sa gagawing koordinasyon sa election period.
Ayon kay Comelec Chairperson George Erwin Garcia, kabilang sa kasunduan ang pagtugon sa mga cybercrime at isyu ng cybersecurity sa panahon ng eleksyon na kailangan na mapaigting.
Comelec Chairperson George Erwin Garcia (seated with eye glasses)
Aniya, “Napakadaming hamon ng makabagong halalan natin na kailangan labanan ng Commission on Elections, tulad po ng cybersecurity. For your information noong 2016 na-hack po ang aming sistema kung saan ang aming list of voters na-compromise, therefore na-violate ang data privacy ng napakadaming kababayan, ayaw na po nating maulit ang ganoong klase ng pagkakataon.”
Kasama na rin sa kooperasyon ng dalawang ahensya ang paglaban sa fake news o misinformation tuwing panahon ng kampanya.
Sinabi naman ni NBI Director Jaime Santiago, na aagapay ang kawanihan sa COMELEC sa paglaban sa vote-buying gamit ang mga e-wallet application, at maging ang tradisyonal na paraan ng pagbili ng boto.
NBI Director Jaime Santiago / NBI FB Page
Sinabi ni Santiago, “Sa vote buying hindi na tao tao ang bayaran gumagamit na sila app, gcash, paymaya, dun papasok expertise ng cybercrime division kapag namonitor namin yung mga ganun makakaasa po kayo sasawatain namin agad. Di kami magdideploy but we will keep on monitoring, remember puro cyber we have capable men of monitoring sa aming cybercrime division.”
Tiwala si Garcia na malaki ang maitutulong ng partnership nito sa NBI para mapigilan o mahabol ang mga magtatangka na manggulo ng halalan, o lumabag sa election laws gamit ang makabagong teknolohiya.
Pero umaasa ang Comelec na maamyendahan na ang Omnibus Election Code dahil hindi na akma ang ilang probisyon nito at mahirap na mapanagot sa ilalim nito ang mga namimili ng boto na aniya’y nakakadismaya.
Ani Garcia, “Paulit ulit naming pinapakiusap sa kongreso sana may pagbabago sa batas when it comes to vote buying, napakahirap na magprosecute. Mas maganda may batas talaga na magdidetelye ng vote buying.’
Moira Encina-Cruz