COMELEC at Rappler, pinagkukomento ng SC sa pagkuwestiyon ng OSG kaugnay sa fact-checking agreement
Inatasan ng Korte Suprema ang COMELEC at Rappler na maghain ng komento sa petisyon ng Office of the Solicitor General laban sa partnership agreement ng dalawa.
Ayon kay Supreme Court Spokesperson Atty Brian Keith Hosaka, binigyan ng 10 araw ng mga mahistrado ang mga respondents na mag-komento sa petisyon at hirit na TRO ng OSG.
Ang nilagdaang memorandum of agreement ng poll body at online news site ay ukol sa fact-checking at election-related content at promotions.
Iginiit ng OSG na labag sa Saligang Batas at iba pang batas ang kasunduan sa pagitan ng COMELEC at Rappler kaya dapat itong ipatigil.
Isa sa mga pinuna ng OSG na paglabag ay ang pagiging foreign controlled at non-registered mass media company ng Rappler.
Anila paglabag ito sa Konstitusyon, Omnibus Election Code, at iba pang batas laban sa pakikialam ng dayuhan sa eleksyon ng bansa.
Alinsunod din anila ng kasunduan ay may access ang Rappler sa datos ng untransmitted votes at walang safeguards kung papaano mapuprotektahan ng COMELEC at Rappler ang sanctity ng mga nasabing boto.
Moira Encina