Comelec at security forces nakahanda na para sa special elections sa Lanao del Sur sa May 24
Pinaghahandaan na ng Commission on Elections at puwersa ng gobyerno ang isasagawang 2022 special elections sa Lanao del Sur sa Martes, May 24.
Matatandaang idineklarang failure of elections ang bayan ng Tubaran sa lalawigan at natatanging lugar na lamang sa bansa na hindi pa nakapagsusumite ng kanilang Certificate of Canvass.
Ayon kay Commissioner George Garcia, dinagdagan pa nila ang puwersa ng PNP, AFP at Philippine Coast Guard sa nasabing lugar dahil sa posibilidad na sumiklab muli ang kaguluhan.
Ang mga personnel aniya ng PNP ang mangangasiwa sa special elections at magsisilbing electoral boards sa 14 na polling precints sa Tubaran na sinanay na nila ng ilang araw at linggo.
Ito ay upang hindi malagay sa panganib ang buhay ng mga guro na nakaranas ng pressure at pananakot noong mismong araw ng halalan ng May 9.
12 sa 14 na Barangay ang naiulat na may matinding karahasan at ito ay ang: Tangcal, Datumanong, Guiarong, Baguiangun, Wago, Malaganding, Gadongan, Riantaran, Pagalamatan, Mindamunag, Paigoday-pimbataan, at Metadicop.