Comelec, bukas sa hiling ng DepEd na taasan ang Honoraria ng mga guro na magsisilbi sa 2022 elections
Tiniyak ng Commission on Elections na bukas sila sa hiling ng Department of Education na taasan ang honoraria ng mga guro na magsisilbi sa May 2022 National and Local Elections.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, kinikilala ng poll body ang malaking papel na ginagampanan ng mga guro para masiguro na magiging matagumpay ang halalan.
Handa aniya ang Comelec na makipagtulungan sa DepEd para matugunan ang kanilang hiling.
Titiyakin aniya ng Comelec na hahanapan nila ng paraan kung paano maibibigay ang kahilingan na ito ng DepEd.
“The COMELEC recognizes the invaluable role played by teachers in ensuring the success of elections. Accordingly, the COMELEC is willing to work with the DepEd in order to find ways to either accommodate their requests or, in the appropriate instances, to help them achieve the results they seek.” — Comelec Spokesperson James Jimenez
Una rito, mismong si Education Sec. Leonor Briones ang sumulat kay Comelec Chairman Sheriff Abas upang hilingin na taasan ang kompensasyon at benepisyo para sa mga poll workers na magsisilbi sa nalalapit na halalan sa gitna ng nagpapatuloy pang banta ng COVID-19.
9,000 pisong kompensasyon ang inirerekumenda ng DepEd para sa chairperson ng Electoral Boards habang tig-8,000 naman sa mga miyembro ng board.
Samantala, ang mga Department of Education Supervisor Official ay dapat bigyan ng 7,000 piso at 5,000 piso naman sa kanilang Support Staff.
Bukod anila sa mga benepisyo na ipinagkakaloob ng Election Service Reform Act at ng IRR nito, humihingi rin ang DepEd ng P500 kada araw na COVID-19 Hazard Pay para sa mga authorized poll workers.
Hiling pa ng DepEd, na ang mga guro ay pagtrabahuhin ng walong oras lamang, kabilang na rito ang paghahanda at post-election activities.
Hiling rin nila na magkaroon ng probisyon ng pondo para sa maintenance at pagkukumpuni ng mga paaralan na gagamiting voting centers.
Batay sa nakasaad sa Election Service Reform Act, ang isang Election Board chairperson ay tatanggap ng honoraria na nagkakahalaga ng 6,000 piso; habang 5,000 piso naman sa mga miyembro nito.
Ang DepEd Supervising Officer naman ay tatanggap ng 4,000 piso at 2,000 piso naman sa DESO Support Staff.Entitled rin sila sa 1 libong pisong karagdagan para sa travel allowance.
Madz Moratillo