COMELEC Chair Bautista, posibleng tumanggap din ng komisyon sa law firm ng Smartmatic
Posibleng tumanggap din si Comelec Chairman Andres Bautista ng komisyon mula sa law firm na legal counsel ng Smartmatic at kinabibilangan ng abogadong naghain ng disqualification case laban kay Senadora Grace Poe sa pagtakbo sa pagkapangulo.
Batay sa 10-pahinang affidavit ng asawa ni Bautista na si Patricia Paz, nadiskubre niya ang ilang tseke at commission sheets mula sa managing partner ng Divina Law na si Atty. Nilo Divina na malapit na kaibigan ng mister at ninong ng panganay nilang anak.
Maaaring kinuha rin aniya ng mister ang serbisyo ng Divina Law para pagkakitaan niya ang kanyang posisyon bilang Comelec Chair.
Nabatid sa mga dokumento na nadiskubre ni Ginang Bautista na nag-isyu si Atty. Divina ng ilang tseke sa pangalan ng mister at miyembro ng kanyang pamilya bilang komisyon nito sa pagtulong sa mga kliyente ng Divina Law sa Comelec.
Lalong nabigyang katwiran ang pagdududa ni Patricia dahil ang Divina Law ang may hawak sa BASECO at UCPB na mga ahensya na madalas makasalamuha ni Bautista noong siya ang PCGG Chairman.
Si Divina ay kasalukuyang dean ng UST Faculty of Civil Law.
Ulat ni: Moira Encina