Comelec Chair Garcia, ipinapa-contempt sa Korte Suprema
Naghain ng mosyon sa Korte Suprema si dating Caloocan Congressman Edgar Erice para patawan ng contempt si Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia.
Ayon kay Erice, dapat i-contempt ng Supreme Court si Garcia dahil sa naging pahayag nito na kapag ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ang automated elections systems contract sa Miru Systems ay mababalik sa manu-mano ang halalan.
Sinabi ng petitioner na hindi dapat pangunahan at balaan ni Garcia ang SC.
“As a lawyer, he should not forewarn the Supreme Court of the consequence of their decision. Dapat igalang natin kung anuman ang magiging desisyon ng Korte Suprema ” ani Erice.
Batay pa sa petisyon, gustong baguhin ng poll body Chair ang opinyon ng publiko sa isyu at tinatangkang impluwensiyahan ang SC.
Una nang naghain ng hiwalay na petisyon sa Korte Suprema si Erice para ipatigil at ipawalang- bisa ang kontrata ng Comelec sa Miru Systems para sa 2025 automated elections.
Samantala, inihayag pa ng dating mambabatas na maghahain siya ng mga reklamong katiwalian laban sa mga miyembro ng Bids and Awards Committee ng Comelec na naggawad ng kontrata sa Miru.
Moira Encine-Cruz