COMELEC, DepEd, at DOST lumagda ng kasunduan para sa 2022 Elections
Nilagdaan na ng COMELEC, DepEd, at DOST ang kasunduan para sa mga gampanin nito kaugnay sa May 2022 automated elections.
Pinangunahan nina COMELEC Chair Sheriff Abas, Education Secretary Leonor Briones at Science & Technology Secretary Fortunato Dela Peña ang pagpirma sa memorandum of agreement sa isang virtual ceremony.
Nakasaad sa MOA ang mga “basic obligations” ng tatlong ahensya sa darating na halalan.
Alinsunod sa Automated Elections Law, ang DOST ang magsasagawa ng written at practical examinations at mag-iisyu ng mga sertipikasyon sa mga guro na magsisilbing board of election inspectors o BEIs.
Ang DepEd naman ay may tungkulin na isumite ang listahan ng mga guro na gaganap na BEIs.
Sa panig ng poll body, ito ang magkakaloob ng honoraria sa mga guro at magsasanay at magsasagawa ng capacity building sa mga guro na magsisilbi sa eleksyon.
Moira Encina