Unang araw ng voter’s registration sa Maynila, dinagsa
Dinagsa ng mga nais magparehistro ang tanggapan ng Commission on Elections sa Aroceros, Maynila para sa unang araw ng muling pagpapatuloy ng voter’s registration.
Ang iba sa kanila, madaling araw palang daw ay pumila na para mauna at maagang matapos.
Bagamat mabilis ang proseso ng pagpaparehistro, ang reklamo ng mga nagpaparehistro ang mahaba at sala salabat na pila.
Ang voter’s registration ay tatagal hanggang sa Hulyo 23.
Ito ay gagawin sa lahat ng Comelec offices sa buong bansa mula Lunes hanggang Sabado mula 8am hanggang 5pm.
Dahil hindi pa tapos ang banta ng COVID-19 hinikayat naman ang mga magpaparehistro na magsuot ng face mask.
Kung may sintomas ng COVID- 19, pinapayuhan silang ipagpaliban muna ang pagpunta sa Comelec field office.
Paalala din sa mga magpaparehistro na magdala ng sariling ballpen at alcohol.
Mas makabubuti rin kung meron ng accomplished o nasagutan na iyong application forms.
Pwede umano itong idownload at iprint mula sa website ng Comelec na www.comelec.gov.ph.
Ayon sa Comelec, pwede namang gawin online ang pagpapasa ng aplikasyon para sa reactivation ng pagiging botante, ipadala lamang ito sa email address ng election officer sa inyong lugar.
Nasa mahigit 66 milyong rehistradong ang target ng Comelec para sa Barangay Elections habang mahigit 23 milyon naman sa Sangguniang Kabataan Elections.
Madelyn Villar-Moratillo