Comelec en banc, ibinasura ang mga apila na kumukontra sa DQ cases Vs. BBM
Pinagtibay ng Comelec en banc ang desisyon na nagbabasura sa disqualification petitions laban kay Presidential frontrunner BongBong Marcos.
Ito ay matapos na ibasura ng Comelec en banc ang inihaing motion for reconsideration ng mga petitioner na kinabibilangan ng grupong Akbayan, Christian Buenafe et alBonifacio Ilagan et al at retired General Abubakar Mangelen, na nagpakilalang chairman umano ng Partido Federal ng Pilipinas.
Anim na Commissioner ng En Banc ang kumatig sa pagbasura sa consolidated Motion for Reconsideration.
Ito sina Comelec Chairman Saidamen Pangarungan, Commissioners Socorro Inting, Marlon Casquejo, Aimee Ferolino, Rey Bulay at Aimee Neri.
Nag-inhibit naman si Comelec Commissioner George Garcia na naging abogado noon ni Marcos.
Ayon sa en banc, sinabi nito na bigo ang petitioners na makapaghain ng mga bagong argumento para baliktarin nila ang desisyon ng kanilang division sa kaso.
Ang petisyon laban sa kandidatura ni Marcos ay nakabatay sa naging hatol sa kanya ng Quezon City RTC dahil sa kabiguang magbayad ng Income Tax Return mula 1982 hanggang 1985 na pinagtibay rin ng Court of Appeals.
Iginigiit nila na ang kaso na ito ay kinasasangkutan ng moral turpitude kaya dapat madiskwalipika si Marcos.
Iginigiit rin nila na habang buhay itong disqualified sa paghawak ng anumang pwesto sa gobyerno dahil sa naging hatol ng Korte.
Pero, giit ng Comelec en banc, hindi nagkamali ang kanilang 1st at 2nd division ng katigan nito ang argumento na hindi masasabing nagsinungaling si Marcos sa kanyang certificate of candidacy ng sagutin nito kung nagkaroon na ba siya ng conviction.
Malinaw naman kasi ayon sa En banc na walang nakalagay sa desisyon ng Court of Appeals patungkol sa perpetual disqualification rito sa paghawak ng anumang pwesto sa gobyerno .
Sa separate concurring opinion naman ni Inting, sinabi nito na nagkamali ng ginamit na batas ang mga petitioner sa kaso.
Sa ngayon isang motion for reconsideration kaugnay sa Marcos case nalang ang natitirang nakabinbin sa en banc.
Madelyn Villar – Moratillo