Comelec, ibinasura ang mga petisyon na humaharang sa kandidatura ni Senador Loren Legarda
Ibinasura ng Comelec ang mga petisyon na humaharang sa kandidatura ni Senador Loren Legarda bilang kongresista ng Antique.
Sa resolusyon ng Comelec Second Division na may lagda ni Presiding Commissioner Luie Tito Guia, sinabi na walang nagawang misrepresentation si Legarda sa inihain nitong certificate of candidacy partikular sa period residency o paninirahan nito sa Antique.
Ayon sa poll body, mahigit isang taon bago ang ang eleksyon sa Mayo ay nailipat na ni Legarda ang kanyang tirahan o domicile of choice sa Barangay Mag-aba, Pandan, Antique mula sa Potrero, Malabon City.
Nag-apply anila si Legarda ng transfer for registration at ito ay una nang pinagtibay.
Kinuwestyon ng mga petitioners na si dating Governor Exequiel Javier at Robin Rubinos ang residency status ng senadora dahil sa bigo raw ito makatugon sa isang taong residency at sinasabing umaarkila lang ito ng isang beach house sa Antique.
Pero sinabi ng Comelec na walang epekto sa residency ng senadora ang ownership status sa nasabing property.
Paliwanag pa ng poll body, hindi kailangan na 24/7 na nasa Antique si Legarda dahil ang trabaho nito bilang senadora ay naka-base sa Metro Manila.
Ulat ni Moira Encina