Comelec iginiit na wala pa silang natatanggap na abiso patungkol sa panukalang multi-day election sa 2022
Iginiit ng Commission on Elections na wala pa silang natatanggap na anumang opisyal na komunikasyon hinggil sa panukalang multi day election sa 2022.
Kasabay nito, iginiit ni Comelec Spokesperson James Jimenez na lahat ng bagay na patungkol sa halalan ay pasok sa hurisdiksyon ng poll body.
Una rito, sinabi ni National Task Force Against COVID-19 Chief implementer at Vaccine Czar Secretary Carlito Galvez Jr. na pinag-aaralan nila ang posibilidad na gawin sa loob ng ilang araw ang halalan.
Layon aniya nito na maiwasan ang siksikan ng mga tao na maaaring maging daan ng pagkakaroon ng hawahan ng Covid-19.
Ang halalan sa bansa ay ginagawa lamang sa loob ng isang araw at ang susunod na halalan ay natapat sa May 9 ng 2022.
Una rito, sinabi ng Comelec na pinag-aaralan nilang mabuti ang lahat ng aspeto upang masiguro ang ligtas at mapayapang halalan sa gitna ng banta ng Covid 19.
Madz Moratillo