COMELEC ikinukonsidera ang pagbili ng mahigit 90,000 vote counting machines sa Smartmatic para sa 2019 elections
Pinag-aaralan na ng Comelec kung anong sistema ang ipatutupad sa 2019 midterm elections na gagamitan ng mga makina.
Sinabi ni Comelec Chairman Andres Bautista, apat na opsyon ang pinag-aaralan ng Comelec Advisory Council.
Kasama na rito ang pagbili sa mga vote counting machine mula sa Smartmatic na ginamit noong 2016 elections o kombinasyon ng mga PCOS at VCM o kaya ay paggamit ng bagong teknolohiya at paggamit ng mga lumang PCOS machine na binili noong 2012.
Sinabi ni Bautista, sa ilalim ng kontrata ng COMELEC at Smartmatic, ang poll body ay mayroong hanggang Agosto ngayong taon para magdesisyon kung bibilhin ang mahigit siyamnapung libong VCM na ginamit noong 2016 elections.
Nagpulong na aniya ang konseho noong nakaraang linggo.
Sa ilalim ng Automated Elections Systems Law , ang Comelec Advisory Council ay dapat magpulong 18 buwan bago ang susunod na pambansang halalan para magrekomenda ng pinaka-akmang teknolohiya na gagamitin sa automated polls.
Ulat ni: Moira Encina