Comelec, inaasahan ang mataas na voter turn-out sa ARMM para sa plebisito sa Bangsamoro Organic Law
Tinatayang 75 percent ng 2.8 milyong botante sa Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM ang inaasahan ng Comelec na lalahok sa plebisito para sa ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Kaugnay nito, tiniyak ni Comelec spokesperson James Jimenez na handa na ang poll body para sa unang plebisito na idaraos sa Enero 21 at sa ikalawang plebisito sa Pebrero 6.
Ayon pa sa opisyal, magkaiba ang magiging tanong sa plebisito sa mga lugar sa ARMM.
Para sa Lanao del sur, Maguindanao, Sulu at Tawi-Tawi tatanungin ang mga botante kung “Payag ba sila na pagtibayin ang Organic Law sa Bangsamoro sa ARMM?”
Habang sa Basilan, bukod sa ratipikasyon ay itatanong din kung payag sila na isama ang lungsod ng Isabela sa rehiyong awtonomo ng Bangsamoro.
Ulat ni Moira Encina