Comelec inaming may ninakaw na ballot box sa Datu Salibo, Maguindanao noong 2019 elections
Kinumpirma ng Comelec na may ninakaw na ballot box sa Datu Salibo,Maguindanao noong 2019 elections.
Kaugnay ito sa social media post ng natalong kandidato sa pagka-mayor na si Sam Zailon Esmael kung saan ipinakita ang larawan ng isang ballot box na nakalubog sa tubig.
Pero itinanggi ng Comelec ang alegasyon ni Esmael na patunay ang nakitang ballot box ng dayaan sa nakaraang eleksyon.
Sinabi ni Comelec spokesperson James Jimenez na batay sa municipal treasurer ng Datu Salibo na si Ali Mamoribid na ang nakitang ballot box ay ninakaw mula sa municipal office ng hindi pa kilalang salarin.
Pinanindiganan din anya ni Datu Salibo Election Officer Mary Ann Marohombsar na fraud-free o walang dayaan sa kanyang hurisdiksyon.
Tiniyak ni Jimenez na nakikipagtulungan na ang Comelec sa imbestigasyon ng PNP sa insidente.
Binalaan ng poll body ang publiko na huwag basta maniwala sa mga malisyosong alegasyon na layuning dungisan ang integridad ng halalan.
Inihayag pa ng Comelec na si Esmael ay nakakuha lamang ng 273 na boto mula sa kabuuang 5,000 boto sa Datu Salibo.
Ulat ni Moira Encina