COMELEC, inatasan na ang DILG, PNP na isilbi ang Status Quo Ante Order sa Mayoralty position sa Jaen, NE
Kasunod ng nangyaring tensyon, inatasan ng Commission on Elections (COMELEC) ang Department of Interior and Local Government (DILG) at Philippine National Police (PNP) na ipatupad ang kanilang inilabas na Status Quo Ante Order sa Mayoralty position sa Jaen, Nueva Ecija.
Sa ilalim ng Status Quo Ante Order ng poll body, pinauupo bilang Mayor ng Jaen si Sylvia Austria.
Si Austria ay idineklarang nanalo noong May 2019 elections pero bumaba siya sa pwesto matapos katigan ng korte ang election protest ng katunggaling si Antonio Prospero Esquivel.
Una rito, nakuhanan umano ng video si Esquivel at anak nitong si Tonyboy Esquivel kasama ang sinasabing private army umano ng mga ito na tinututukan ng high powered firearms ang mga supporter ni Austria sa loob ng Municipal Hall compound.
Sa dalawang pahinang kautusan ng Comelec 2nd Division, nakasaad na kinatigan ang apela ni Austria na isilbi ang Temporary Restraining Order (TRO), Status Quo Ante Order ng DILG at PNP para manumbalik ang peace and order sa Munisipalidad.
Sa Memorandum naman ni Jaen Acting Chief of Police Major Baltazar Corpuz, nakasaad dito na nabigo silang arestuhin ang mag-amang Esquivel.
Una nang kinuwestiyon ni Austria sa Comelec ang aniya’y illegal take over ni Esquivel bilang Municipal Mayor.
Madz Moratillo