COMELEC iniurong ang election period para sa SK at Brgy elections sa October 1 hanggang October 30
Iniurong ng COMELEC ang election period para sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections.
Ayon kay COMELEC Chairman Andres Bautista, mula September 23 hanggang October 30, 2017 ay iniurong ng en banc ang election period sa October 1 hanggang October 30.
Ito ay para aniya mabigyan ng pagkakataon ang Kongreso na maipasa ang panukalang pagpapaliban sa Barangay at SK Elections na nakatakdang idaos sa October 23.
Dahil dito, inihayag ni Bautista na mauurong din ang paghahain ng Certificate of Candidacy sa October 5 hanggang October 11 na naunang itinakda sa September 23 hanggang September 30.
Mababago rin ang petsa ng pagpapatupad ng mga prohibited acts sa panahon ng election period.
Mula October 1 hanggang October 30, ipagbabawal ang pagdadala ng baril at patalim; paggamit ng mga security personnel o bodyguard ng mga kandidato; maglipat ng mga opisyal at empleyado na nasa Civil service kabilang na ang mga public school teacher; magsuspinde ng alinmang elective Provincial, City, Municipal o Barangay officer.
Ulat ni: Moira Encina