COMELEC , itutuloy pa rin ang ginagawang preparasyon para sa BSKE sa kabila ng postponement nito
Kahit napirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr ang panukala para sa pagpapaliban ng Barangay at Sangguniang Kabataan Elections, hindi parin titigil ang Comelec sa kanilang mga ginagawang preparasyon.
Paliwanag ni Comelec Chairman George Garcia, marami parin kasing puwedeng mangyari gaya ng kung may grupo na kumwestyon nito sa Korte Suprema.
Ayon kay Garcia, itutuloy pa rin nila ang pag imprenta ng mga balota para sa BSKE.
Pero isang linggo aniya silang titigil dahil babaguhin nila ang template ng balota para palitan ang petsa.
Nakalagay kasi rito ay December 2022 gayong sa bagong batas ay October 2023 na.
Para sa 5 milyong una na nilang naimprenta ay maglalabas na lang daw sila ng resolusyon para hindi naman ito masayang.
Ayon kay Garcia itutuloy pa rin nila ang procurement ng iba pang election paraphernalia at awarding ng mga kontrata.
Muli namang tiniyak ni Garcia na walang masasayang na pondo ng gobyerno dahil pwede pang gamitin ang mga ito sa 2023 BSKE.
Madelyn Villar – Moratillo