Comelec , kinondena ang mga kaso ng pagpatay sa ilang nanalong kandidato sa BSKE
Mariing kinundena ng Comelec ang insidente ng pamamaslang sa ilang nanalong kandidato sa ginanap na BSKE.
Sa Pasay isang nanalong barangay kagawad ang pinatay sa loob mismo ng barangay hall, habang sa Cotabato isang bagong panalong barangay kagawad rin ang patay sa ambush.
Sa isang pahayag, sinabi ni Comelec Spokesperson Atty John Rex Laudiangco na nanawagan sila sa law enforcement and security government agencies na paigtingin ang kampanya sa private armed groups at loose firearms.
Ipinaliwanag naman ni Laudiangco, na dahil sa pagkamatay ng mga nasabing kagawad kailangan munang ideklara na permanently vacant ang kanilang posisyon.
Paiiralin aniya rito ang Rule of Succession batay narin sa nakasaad sa Local Government Code kung saan aakyat sa mas mataas na posisyong nabakante ang kasunod na nanalong opisyal.
Ang magiging bakante namang posisyon ay pupunan sa pamamagitan ng appointment ng isang kwalipikadong indibidwal ng City or Municipal Mayor.
“Madedeklara po na permanently vacant ang kanilang posisyon, at iiral po ang Rule of Succession ayon sa Local Government Code, kung saan aakyat po sa mas mataas na posisyong nabakante ang kasunod na nanalong opisyal, at ang nasa dulo pong posisyon na magiging bakante sa pag akyat nila ay pupunan sa pamamagitan ng appointment ng isang kwalipikadong indibidwal ng City or Municipal Mayor.” – Comelec Spokesperson Atty John Rex Laudiangco
Madelyn Villar – Moratillo