Comelec, maglalabas ng official summons ngayong linggo kaugnay sa petisyon laban sa kandidatura ni BBM
Kinumpirma ng Commission on Elections na nai-raffle na nila ang petisyon na naglalayong makansela ang Certificate of Candidacy ni dating at Presidential aspirant Senador Bongbong Marcos.
Ayon kay Comelec Spokesperson James Jimenez, napunta ang petisyon sa 2nd division ng poll body kung saan miyembro sina Commissioners Socorro Inting at Antonio Kho.
Si Inting ay dating mahistrado ng Court of Appeals habang si Kho naman ay dating Undersecretary sa Department of Justice.
Pero dahil sa dami ng mga kaso na hawak ng dibisyon, sinabi ni Jimenez na wala pang inilalabas na anumang notice ang Comelec 2nd division patungkol sa petisyon.
Pero inaasahang mailalabas aniya ito ngayong linggong ito.
Sa oras na matanggap ng kampo ni Marcos ang notice mula sa Comelec, may 5 araw sila para sagutin ang petisyon.
Ang petisyon kay Marcos ay nag-ugat sa naging conviction noon kay Marcos dahil sa hindi paghahain ng income tax mula 1982 hanggang 1985 o noong Vice-Governor at Governor siya ng Ilocos Norte.
Madz Moratillo