COMELEC, magpapalabas ng Digital Voter’s ID para sa overseas voters
Mag-iisyu ang Commission on Elections ng Digital Voter’s ID para sa mga overseas voter.
Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, pwede itong magamit ng overseas voters bilang alternatibong government issued ID sa kanilang pagpaparehistro para sa pilot internet voting sa halalan sa 2025.
Ito aniya ay kung sakaling hindi available ang Philippine Passport o Seafarer’s Identification Record Book ng isang overseas voter, basta sila ay may active registration record sa Comelec.
Matatandaan na mula noong 2018, itinigil na ang pamamahagi ng physical voter’s ID bilang pagbibigay daan sa Philippine Identification System o PhilSys Act.
Ayon sa Comelec, ang pre-registration para sa overseas voters na gustong sumali sa internet voting ay mula Pebrero 12 hanggang Mayo 12 ng 2025.
Madz Villar-Moratillo