Comelec, magsasagawa ng mock elections sa ilang piling lugar sa Sabado
Magsasagawa ang Comelec ng mock elections para sa halalan sa Mayo.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, gaganapin ang mock elections sa Enero 19 sa 60 polling places sa bansa.
Kasama rito ang mga polling precincts sa Brgy. Bahay Toro, Quezon City, Brgy. Pinagbuhatan Pasig at Brgy. 669 sa Maynila.
Isasagawa ang mock election sa nasabing tatlong barangay mula alas sais ng umaga hanggang ala sais ng gabi habang sa limamput pito pang polling precincts ay mula alas-sais ng umaga hanggang alas-12:00 lamang ng tanghali.
Mas mahaba ang oras ng mock elections sa Pasig, Quezon City at Maynila dahil aktwal na dami ng mga botante ang inaasahang lalahok dito.
Layunin anya ng mock elections na masubok ang security features, accuracy at integridad ng VCMs at ng Voter Registration Verificafion System, ang transmission ng mga boto at ang Consolidation at Canvassing System.
Paliwanag pa ni Jimenez, mga dummy ang pangalan na nasa balotang gagamitin sa mock elections.
Ipapasubok sa mga botante mula sa pagshade o pagpili ng mga ibobotong kandidato hanggang sa pagsusubo ng balota sa vote counting machines.
Sinabi ni Jimenez na sa kanilang pagtaya tatagal lamang ng 10 minuto ang kabuuang proseso ng pagboto ng isang rehistradong botante.
Ulat ni Moira Encina