Comelec magtatayo ng makeshift polling precincts sa mga lugar na sinalanta ng bagyong Agaton
Dahil sa epekto ng bagyong Agaton, ilang voting center sa Eastern Visayas ang nasira.
Dahil rito, magtatayo ang Commission on Elections ng mga makeshift na polling precinct sa mga lugar naapektuhan ng katatapos na kalamidad.
Ayon kay Atty. Bartolome Sinocruz Jr., executive director ng Comelec, gawa sa kahoy ang mga makeshift polling precinct na ito.
Sa request for quotation na inilabas ng Comelec Bids and Awards Committee, nakasaad na may aprubado ng budget para sa mga materyales na nagkakahalaga ng 351,300 pesos.
Gagamitin ito sa Southern Leyte.
Ayon kay SinoCruz, sa ngayon patuloy pa ang ginagawang pagsusuri ng kanilang hanay kung ilang eskwelahan na gagamitin sanang presinto ang nasira ni Agaton.
Kaugnay nito, sinabi ng Comelec Official na wala pa naman silang natanggap na ulat na may nasirang election paraphernalias na gagamitin sa May 9 elections.
Maging ang mga vote counting machines ligtas din aniya dahil nang tumama ang bagyo nasa mga barko pa ang mga makina.
Madelyn Villar-Moratillo