COMELEC may napili ng teknolohiya para sa 2025 automated election
Inanunsyo ng Commission on Elections (COMELEC) ang napili nilang teknolohiya na nais gamitin para sa 2025 automated elections.
Ginawa ni COMELEC Chairman George Garcia ang anunsyo kasunod ng isinagawang en banc session ng poll body.
Sinabi ni Garcia na nagkasundo ang COMELEC Commissioners na gamitin ang upgraded optical mark reader paper-based automated election system with direct recording electronic capabilities.
Pero paglilinaw ng COMELEC chief isang sistema lamang ang gagamitin para sa partikular na halalan at ide-disable ang isa.
Ang OMR na syang sistemang ginagamit ngayon ay gagamitin para sa national and local elections, habang ang DRE naman ay para sa overseas voting at special elections.
Ang bagong makina na gusto ng COMELEC ay mayroon dapat 12 inches screen habang ang ballot scanning speed nito ay dapat 12mm per second.
Hindi pa naman masabi ng COMELEC kung magkano ang kakailanganing pondo para rito dahil titignan pa aniya nila ang availability ng teknolohiya sa market.
Inanunsyo rin ng COMELEC na bundle ang gagawin nilang procurement o kung may napiling manufacturer, ay ito na rin ang bahala sa ballot paper, stamp pen at iba pa maliban sa transmission.
Madelyn Moratillo