Comelec, muling hinikayat ang mga botante na magparehistro na para sa 2022 National elections
Dalawang linggo bago matapos ang panahon ng voter registration, hinikayat ni Commission on Elections Commissioner Rowena Guanzon ang mga botante na hindi pa rehistrado na samantalahin ang pagkakataon para makaboto sa darating na May 2022 National at Local Elections.
Ang deadline para sa voter registration ay hanggang sa Setyembre 30 na lamang.
Ayon kay Guanzon, bagamat may resolusyon ang Senado na humihiling sa Comelec na palawigin hanggang katapusan ng Oktubre ang voter registration, hindi pa ito nakakarating sa Commission en banc.
Pero sa pinakahuling en banc session aniya, mayorya ng mga Commissioner ay hindi pabor sa pagpapalawig ng voter registration.
Matatandaang una ng sinabi ng Comelec na kung palalawigin ang voter registration ay maaapektuhan ang kanilang paghahanda para sa halalan.
Hinikayat rin ni Guanzon ang mga deactivated voters o iyong hindi nakaboto sa 2 magkasunod na halalan, na makipag ugnayan sa election officer sa kanilang lugar.
May 6.5 milyon aniya ang deactivated voters sa bansa.
Sa ngayon, may 61 milyong rehistradong botante aniya sa bansa.
Ang voter registration para sa mga lugar na nasa Modified General Community Quarantine o GCQ ay mula Lunes hanggang Biyernes 8:00 am hanggang 7:00 pm at 8:00 am hanggang 5:00 pm naman sa araw ng Sabado at Holidays.
Habang sa mga lugar na nasa Modified Enhanced Community Quarantine naman, ang pagpaparehistro ay mula 8:00 am hanggang 5:00 pm mula Lunes hanggang Sabado at maging sa araw ng Holidays.
Madz Moratillo