Comelec nagbigay ng mga karagdagang dokumento sa US Homeland Security at US DOJ kaugnay ng kaso laban kay dating Comelec Chair Andres Bautista
Kinumpima ni Comelec Chairperson George Erwin Garcia, na ilang linggo na ang nakararaan ay nagtungo sa tanggapan ng poll body ang mga kinatawan ng US Homeland Security at US Department of Justice, para humingi ng karagdagang procurement at payment processing papers kaugnay sa kasong money laundering laban sa dating hepe ng Comelec na si Andres Bautista.
Sinabi ni Garcia, “We gave full assistance to the US DOJ and Homeland Security and may hiningi pa silang dagdag na dokumento.”
Ayon sa opisyal, kinumpirma ng US officials sa Comelec na naisampa na ang kaso laban kay Bautista sa isang korte sa Amerika.
Ang kaso laban kay Bautista ay ukol sa sinasabing pagtanggap nito ng suhol mula sa kompanyang Smartmatic, kapalit ng paggawad dito ng kontrata sa automated elections noong 2016.
Ang suhol ay sinasabing ipinadaan ng kompanya sa mga account sa US at sa iba pang bansa.
Kaugnay nito, inihayag ni Garcia na maghahain sila ng apela sa ruling ng Supreme Court laban sa pagdiskuwalipika nito sa Smartmatic sa bidding sa 2025 elections.
Ang isyu ng panunuhol at money laundering laban kay Bautista ang dahilan ng pagdisqualify ng poll body sa Smartmatic.
Comelec Chairperson George Erwin Garcia
Ayon kay Garcia, isasama nila sa bagong argumento nila sa SC ang pormal na paghahain ng US ng kaso laban kay Bautista.
Hindi aniya nila ito binanggit sa nauna nilang sagot sa petisyon sa SC, dahil ayaw nilang makompromiso ang Mutual Legal Assistance Treaty sa Amerika.
Ani Garcia, “Its now public and It’s now officially admitted to us by US authoritiws we will.definitely include that in the event that we will file the mtion for reconsideration.”
Tumanggi naman si Garcia na sabihin ang ukol sa posibleng kinaroroonan ni Bautista, pero may ilang impormasyon na ibinigay sa kanila ang mga awtoridad mula sa Amerika.
Hindi rin makumpirma ni Garcia kung nasa kustodiya na ba ng mga awtoridad sa Amerika si Bautista, kasunod ng ulat na mayroon nang inisyung arrest order laban sa dating poll chief.
Aniya, “Wala akong kinu-confirm na in custody, ang sa akin lang you don’t need any more a warrant if a person is already in custody, yun ang gusto nating alamin ngayon.”
Moira Encina