Comelec naglabas na ng guidelines hinggil sa paghahain ng kandidatura para sa 2022 elections
Ilang linggo bago ang petsa ng paghahain ng Certificate of Candidacy para sa May 2022 National and Local Elections, naglatag na ng guidelines ang Commission on Elections para sa paghahain ng kandidatura sa ilalim ng new normal.
Ayon sa Comelec, ang petsa para sa paghahain ng COC ay mula Oktubre 1 hanggang 8 kasama ang mga araw ng Sabado at Linggo mula 8:00 am hanggang 5:00 pm.
Sa paghahain ng kandidatura, 5 kopya ng COC form ang kailangang isumite sa Comelec.Pero kailangan na napanumpaan muna ito o napanotaryuhan na.
Kung may Certificate of Nomination, maaari umano itong isama sa ihahaing COC.Paalala naman ng Comelec, personal ang paghahain ng COC sa mga tanggapan ng poll body o di kaya naman ay sa pamamagitan ng kinatawan ng isang kandidato.
Mahigpit na bilin ng Comelec, isang posisyon lang ang pwedeng takbuhan ng isang kandidato.
Hindi rin tatanggapin ng poll body ang mga COC na inihain sa pamamagitan ng mail, electronic mail, telegram o fax.Bilang pag-iingat naman sa banta ng Covid -19, maaari umanong ilipat sa ibang lugar ang filing ng COC upang masiguro na masusunod ang health protocols.
Una rito, inanunsyo ng Comelec na para sa paghahain ng Certificate of Candidacy para sa National position, ililipat nila sa mga tent sa Sofitel Hotel sa Pasay City ang venue.
Kabilang sa mga maaaring maghain dito ay mga kakandidato sa pagka-Pangulo, pangalawang Pangulo, Senador at Partylist representative.
Madz Moratillo