Comelec, nagsagawa ng Walkah-Walkah Voter Education Campaign
Sa kabila ng umiiral na Covid-19 Pandemic, mas pinaigting pa ng Commission on Elections ang kanilang kampanya para sa Voter registration.
Kaugnay nito, nagsagawa ang Comelec ng tinatawag na Walkah-Walkah: MagparehistroKa Voter Education Campaign.
Pasado alas-6:00 kaninang umaga, nagtipon sa Palacio del Gobernador sa Intramuros, Maynila ang mga kalahok sa aktibidad kasama rito ang mga empleyado ng Comelec at iba pang stakeholders.
Nag-motorcade ang mga ito mula sa Intramuros, Maynila hanggang sa Quezon City kung saan naman sila nagsimulang maglakad-lakad at magbahay-bahay para hikayatin ang mga kababayan natin na magparehistro para sa May 2022 National and Local elections.
Namimigay rin sila ng registration form para mas madali na ang magiging proseso kapag nagparehistro.
Bilang pag-iingat naman sa Covid-19, ang mga lumahok sa aktibidad ay nakasuot ng face mask, face shield at tinitiyak nilang may social distancing.
Ang voter registration ay hanggang sa Sept. 30, 2021.
Ang registration ay tuwing Martes hanggang Sabado, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ayon kay Comelec spokesperson James Jimenez, nasa 4 na milyong registrant ang target ng Comelec.
Hinikayat rin nito ang mga nasa tamang edad at hindi pa rehistrado na huwag matakot at lumabas na para magtungo sa pinakamalapit na Comelec offices.
Huwag lamang kalilimutang magsuot ng face mask at face shield.
Madz Moratillo