Comelec, nagtakda na ng petsa para sa pagsusumite ng kandidatura sa pagka-Kongresista sa Southern Leyte at South Cotabato
Itinakda na ng Commission on Elections (Comelec) ang petsa para sa gagawin special elections sa Southern Leyte at South Cotabato.
Sa ginanap na halalan noong Mayo 13 ay hindi muna nagkaroon ng botohan para sa pagka-Kongresista sa mga nasabing lugar dahil sa ang Southern Leyte ay hinati na sa dalawang legislative district noong Pebrero habang ang unang legislative district naman ng South Cotabato ay ginawang lone district ng General Santos city epektibo noong Abril 4.
Batay sa resolusyon ng Comelec, ang halalan sa una at ikalawang distrito ng Southern Leyte at South Cotabato ay itinakda sa Oktubre 26.
Itinakda naman ang paghahain ng Certificate of Candidacy sa Agosto 26 hanggang 28 mula 8:00 am hanggang 5:00 pm.
Ang deadline naman sa paghahain ng correction sa pangalan sa balota ay sa Setyembre 11, habang ang pagpapalit naman ng kandidato ay hanggang Setyembre 18 habang Setyembre 16 naman kung ang kandidato ay nag-withdraw ng kandidatura nito.
Ulat ni Madelyn Moratillo