Comelec nilinaw na hindi pa sakop ng regulasyon ang paglabas ng campaign ads ng mga kandidato
Nilinaw ng Commission on Elections na hindi pa sakop ng regulasyon ang pag-ere sa mga radyo o telebisyon at iba pang advertisement ng mga kumakandidato para sa May 2022 National at Local elections.
Paliwanag ni Comelec Spokesperson James Jimenez, sa ngayon ay hindi pa ipinagbabawal o sakop ng regulasyon ang campaign ads.
Matatandaang una ng sinabi ng Comelec na walang maituturing na premature campaigning kaya kahit lumabas sa telebisyon halimbawa ang isang kandidato ay hindi pa ito maituturing na pangangampanya.
Sa ilalim ng batas, ang mga naghain ng Certificate of Candidacy ay maituturing pa lang na kandidato sa oras na magsimula na ang campaign period.
Ang campaign period para sa national positions ay magsisimula sa Pebrero 8 hanggang May 7, 2022 o 90-days bago ang halalan.
Habang para sa local naman ay 45-days bago ang May 9, 2022 elections o mula March 25, 2022 hanggang May 7, 2022.
Madz Moratillo