Comelec, nilinaw na maaari pa ring mag-post ng suporta para sa mga kandidato sa social media
Nilinaw ng Commission on Elections (Comelec), na ang supporters ng mga kandidato ay hindi bahagi ng campaign prohibition sa harap ng patuloy na pagpo-post ng mga Pinoy sa social media tungkol sa napili nilang mga kandidato.
Ang national candidates ay binigyan ng 90-araw para mangampanya, habang ang mga kandidato para sa lokal na posisyon ay binigyan ng 45-araw na campaign period. Ang mga tumatakbo para sa government post ay hanggang noong Sabado lamang, May 8 maaaring manuyo ng mga botante.
Sinabi ni Comelec Commissioner George Garcia na ang illegal campaigning o non-campaigning ngayong araw na ito ng Linggo ay aplikable lamang sa mga kandidato at partido political.
Ngayong Linggo, patuloy pa rin ang pagpo-post sa social media ng mga supporter ng kanilang mga naging karanasan mula sa rally ng mga kandidato.
Sinabi ni Garcia na hindi iyon saklaw ng naturang prohibisyon.
Paliwanag ng Comelec, mahirap tugisin ang mga indibidwal na magpo-post sa social media tungkol sa napili nilang kandidato, at binanggit na ang mga supporter ay may karapatan sa malayang pagpapahayag.
Gayunman, sinabi ng komisyon na ang pagsasagawa ng bahay-bahay na kampanya ngayong araw ng Linggp ay ibang kuwento na at maaaring masaklaw na ng campaign prohibition.
Napakadali kasi aniyang sabihin ng mga kandidato na supporter nila iyon nguni’t ang totoo ay kasama pala sa kanilang campaign team.