Comelec, pabor na gawing heinous crime ang vote buying
Pabor ang Commission on Elections sa panukala na gawing isang heinous crime ang vote buying.
Sa panukalang isinusulong sa Kamara, nais ni Malasakit at Bayanihan Representative Anthony Golez, Jr. na patawan ng 20 hanggang 40 taong pagkabilanggo ang mapatutunayang sangkot sa pamimili ng boto.
May multa rin itong hindi bababa sa 5 milyong piso at habang buhay na diskwalipikasyon ng paghawak ng posisyon sa gobyerno.
Habang para naman sa mapatutunayang nagbenta ng boto ay pagkabilanggo mula isa hanggang 6 na taon at multang hindi bababa sa 100 libong piso.
Pero ayon sa Comelec dapat isabay na ng Kongreso ang pagrepaso sa Omnibus Election Code partikular na ang bahagi patungkol sa vote buying at selling.
Nais ng Comelec na maisama rin sa depinisyon ng vote buying at selling ang online bentahan at bilihan ng boto na ang bayaran ay online din.
Nasasamantala umano ng mga bumibili ng boto ang loophole ng batas kaya hirap din ang mga awtoridad sa imbestigasyon
Sa kasalukuyan, ang vote buying ay ikinukunsidera bilang isang election offense na may parusang pagkabilanggo mula 1 hanggang 6 na taon at diskwalipikasyon sa paghawak ng anomang posisyon sa gobyerno.
Madelyn Villar – Moratillo