Comelec pag-aaralan ang posibilidad ng pagpapalawig ng Voter registration
Binuksan na ng Commission on Elections ang kanilang pintuan sa posibilidad na mapalawig ang voter registration.
Ang deadline ng voter registration ay hanggang sa Setyembre 30 na lamang.
Sa isang virtual press conference, sinabi ni Comelec Spokesperson James Jimenez na sa susunod na linggo ay magkakaroon ng management committee meeting kasama ang lahat ng kanilang field officials para talakayin ang mga posibleng maging senaryo sakaling palawigin ang voter registration.
Sa nasabing pulong aniya ay titingnan din kung gaano kahaba ang posibleng maging voter registration extension.
Ang mabubuong rekumendasyon sa nasabing pulong ay isusumite naman aniya sa Comelec en banc.
Ayon kay Jimenez, ang desisyon na ito ng poll body ay kasunod ng public clamor na pag-isipan pa ng Comelec ang voter registration extension.
Pero aminado ang opisyal na dadaan ito sa butas ng karayom dahil gipit na rin aniya sa panahon ang Poll body lalu at Presidential elections ang pinaghahandaan ngayon.
Kung mapalawig pa aniya ang pagpaparehistro ng hanggang Oktubre malaki ang magiging epekto nito sa kanilang paghahanda sa halalan sa Mayo.
Sa pagtaya ng Comelec may 200,000 pa ang magpaparehistro sa mga natitirang araw ng voter registration.
Sa panahon ng voter registration, may humigit kumulang 5 milyon na aniya ang nagparehistro.
Madz Moratillo