Comelec, pinahahanap ng bagong provider ng vote counting machines
Pinayuhan ni Senador Panfilo Lacson ang Commission on Elections o Comelec na ikonsidera ang paghahanap ng bagong provider ng vote counting machines.
Kasunod ito ng ibinunyag ni Senate Majority Leader Vicente “Tito” Sotto III na merong 6 na kandidato noong nakaraang eleksyon ang nakinabang sa mga iregularidad sa automated elections noong May, 2016.
Ayon kay Lacson, hindi ito ang unang beses na nabahiran ng duda ang integridad ng Smartmatic.
Giit ng senador, hindi ito dapat ipagwalang-bahala ng COMELEC at agad gumawa ng aksyon.
Gayunman, aminado si Lacson na kung hindi maipapakita ang mga detalye, lalo na ang statistics ng itinuturong dayaan noong nakaraang halalan, mahirap malaman ang kredibilidad nito.
Nauna nang tumanggi si Senador Sotto na ibunyag ang source ng kaniyang mga alegasyon at hiniling na lamang na magkasa ang Senado ng imbestigasyon hinggil sa isyu.
Ulat ni Meanne Corvera