Comelec pinagpapaliwanag ng mga Senador sa paglalagay ng tarpaulins at Election paraphernalias sa mga private property
Pinalilinaw ng mga Senador sa Commission on Elections ang patakaran nito sa paglalagay ng mga tarpaulin at mga Election paraphernalia sa mga private property.
Sa harap ito ng mga ulat na binabaklas ng Comelec ang mga poster at tarpaulin ng mga kandidato na nakalagay sa private properties na sobra ang laki sa itinakda ng Comelec.
Ayon kay Senate president Vicente Sotto, may karapatan ang sinuman na maglagay ng mga Election paraphernalia kung nakalagay ito sa mga private property at hindi sa mga lugar na ipinagbabawal.
Hindi rin aniya maaring panagutin ang isang kandidato kung gawa ito ng kanilang mga supporter.
Paalala naman ni Senador Leila de Lima na dating election lawyer labag sa batas ang hakbang ng Comelec.
Ginagarantiyahan aniya ng konstitusyon ang karapatan ng sinumang indibiduwal na ipahayag ang kanilang electoral preferences sa pamamagitan ng pagkakabit ng tarpaulin sa bahay, sasakyan o pribadong gusali.
Ang size aniya ng poster ay maari lang i-aplay sa mga common poster area.
Meanne Corvera