Comelec, PNP at Philippine Coast Guard lumagda sa isang kasunduan
Lumagda na sa isang Memorandum of Agreement ang Comelec, Philippine National Police at Philippine Coast Guard para matiyak ang kaayusan at seguridad ng gagawing BSKE.
Ayon kay PNP Chief General Benjamin Acorda, sinimulan na nila ang paglilipat ng kanilang mga personnel para maiwasang makaimpluwensya sa halalan sa kanilang nasasakupang lugar.
Tiniyak rin niya na mula sa mga gagamitin sa eleksyon hanggang sa araw ng botohan ay magbabantay ang pulisya.
May mga binabantayan na rin aniya silang lugar na posibleng mailagay sa areas of concern kaugnay ng darating na halalan.
Kabilang rito ang Negros Occidental at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.
Ayon sa PNP, may 27 lugar ang nakabilang sa red areas of concern, ibig sabihin may history na rito ng mga karahasan tuwing eleksyon.
232 naman ang nakasama sa orange o dati ng nagkaroon ng election related incidents at banta ng armed groups, habang 4,085 naman ang nasa yellow o dating nagkaroon ng election related incidents.
Sa susunod na linggo magkakaroon ng Command Conference ang Comelec, PNP at Armed Forces of the Philippines para plantsahin ang seguridad sa BSKE.
Sa panig naman ng PCG, tiniyak naman ni Commandant Admiral Artemio Abu na sisiguruhin nila ang ligtas na pagbiyahe ng election paraphernalias lalo na sa mga isla.
Madelyn Moratillo