Comelec, tuloy ang paghahanda para sa May 2022 National Elections sa kabila ng Pandemya
Tiniyak ng Commission on Elections na tuloy ang kanilang mga preparasyon para sa May 2022 National and Local Elections.
Ito ang tiniyak ni Comelec Comm. Antonio Kho sa kabila ng nagpapatuloy na banta ng COVID 19.
Pero bilang pag-iingat, magpapatupad ng ilang pagbabago ang Comelec.
Gaya na lang sa paghahain ng Certificate of Candidacy para sa mga nais kumandidato sa halalan.
Una rito, itinakda ng Comelec ang filing ng COC sa Oktubre 1 hanggang 8, 2021.
Pero ayon kay Comelec Deputy Executive Director for Operations Bart Sinocruz, pinag-aaralan nila na magtakda ng araw para sa paghahain ng kandidatura sa bawat Elective position.
Lilimitahan rin aniya ng Comelec ang presensya ng mga papayagang makasama ng isang kandidato sa paghahain nito ng COC sa Comelec offices.
Matatandaan na sa mga nakalipas na halalan, ang mga kandidato ay karaniwang maraming bitbit na supporters sa paghahain ng kanilang COC.
Itinakda naman ang January 9 hanggang June 8, 2022 bilang Election period.
Gaya ng mga nakaraang halalan, mananatiling automated ang halalan sa bansa.
Ayon sa Comelec, simula ngayon, regular na rin silang magsasagawa ng Press Conferences para mai-update ang publiko sa kanilang mga preparasyon para sa May 9, 2022 National and Local Elections.
Madz Moratillo