Comelec, umapela sa Kongreso na mabigyan ng dagdag na budget para sa pagpapatayo ng sariling tanggapan
Umapela ang Commission on Elections sa mga mambabatas na mabigyan sila ng dagdag na budget para sa pagpapatayo ng kanilang sariling opisina.
Sa kaniyang pagsalang sa Commission on Appointments, sinabi ni Comelec Chairman George Erwin Garcia na aabot lang sa 500 million pesos ang kanilang inisyal na pondo para sa pagpapatayo ng bagong gusali ng Comelec sa Macapagal Avenue sa Pasay city.
Ayon kay Garcia bukod sa nagagastos nila na pang-upa taon -taon, nadodoble pa ito sa tuwing nagsasagawa ng eleksyon sa bansa.
Paliwanag niya kailangan nilang umupa ng lugar para sa filing ng certificate of candidacy, lugar para sa proklamasyon ng mga nanalong Kandidato bukod pa sa lugar para sa random manual audit.
Sa ngayon ,gumagastos ang Comelec ng 70 hanggang 75 million pesos para sa pagrenta ng opisina sa Palacio del gobernador sa Intramuros, Maynila.
Handa naman daw silang maghintay kung kailan maibibigay ang kabuuang magagastos sa gusali pero mahalaga na Masimulan na ang konstruksyon nito.
Meanne Corvera