Comelec, walang magawa sa buwis ng mga guro sa honoraria at allowance
Aminado ang Commission on elections na wala silang magagawa sa panawagan ng mga guro na magsisilbi sa May 9 elections na huwag nang buwisan ang kanilang matatanggap na honoraria at allowance.
Ayon kay Comelec commissioner George Garcia, dalawang beses narin silang sumulat sa BIR at Department of Finance pero wala paring tugon ang mga ito.
Para sa mga guro na magsisilbi bilang Chairman ng electoral board, 10,000 pesos ang kanilang matatanggap na allowance, habang 8,000 pesos naman para sa mga miyembro nito.
Mas mataas na ito ng 2,000 pesos mula sa dating honoraria na natatanggap ng mga guro.
Sa liham ng Comelec sa BIR, nakasaad na hindi maikukunsidera bilang isang compensation income ang honoraria, allowance o benepisyong natatanggap ng mga guro sa pagsisilbi sa halalan dahil ang kanilang serbisyo ay boluntaryo naman at hindi konektado sa kanilang regular na trabaho.
Hindi rin umano ito maituturing na isang professional fee na subject sa withholding tax.
Paliwanag ng Comelec, ang trabaho ng mga guro sa panahon ng halalan ay labas sa kanilang propesyon.
Madelyn Villar – Moratillo