Committee report ng Senado sa imbestigasyon nito sa GCTA at Ninja cops, malabong mailabas sa ngayon, isa pang hearing ikinakasa na
Hindi pa makapagpapalabas ng Committee report ang Senado sa naging resulta ng imbestigasyon nito sa kontrobersiyal na bentahan ng Good Conduct Time Allowance law na nauwi sa pagkakadiskubre ng Ninja cops sa PNP.
Ayon kay Senador Richard Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committe may ilalabas silang bagong impormasyon sa panibagong hearing na isasagawa ng komite.
Ipatatawag anya dito sina PNP Chief Oscar Albayalde, dating CIDG Chief at ngayo’y Baguio City Mayor Benjamin Malong at PDEA Chief Aaron Aquino.
Wala pang schedule ng susunod na pagdinig dahil ayon kay Gordon, ikukunsulta pa ito kay Senate President Vicente Sotto.
Kinumpirma ni Gordon na naisumite na nila sa tanggapan ng Pangulo ang nilalaman ng transcript ng naging executive session nila kung saan isiniwalat ni Magalong ang lahat ng kanyang nalalaman sa operasyon ng tinaguriang Ninja cops.
Ayon kay Gordon, kasama ang pangalan ni PNP Chief Albayalde sa dokumentong ipinadala nila sa Pangulo..
Pero nilinaw ni Gordon na hindi binansagan dito si Albayalde bilang isa sa mga ninja cop.
Tumanggi na muna si Gordon na talakayin ang nilalaman ng kanilang draft recommendation sa naging resulta ng kanilang imbestigasyon.
Pero ang malinaw anya ay may mga kailangan pang sagutin at ipaliwanag si Albayalde sa susunod nilang hearing.
Hindi rin naniniwala si Gordon na biktima lamang si Albayalde ng sinasabing pulitika sa loob ng PNP.
Ulat ni Meanne Corvera