Committee report ng Senado sa imbestigasyon sa Dengvaxia, ilalabas na
Ilalabas na ng Senate blue ribbon at Committee on health ang resulta ng kanilang imbestigasyon sa maanomalyang pagbili ng anti -dengue vaccine na Dengvaxia.
Ayon kay Senador JV Ejercito, chairman ng Health committee, nire-review na lamang ni Senador Richard Gordon ang committee report.
Kasama aniya sa laman ng report ang rekomendasyon sa posibleng pagsasampa ng kaso laban sa mga pasimuno ng pagbili ng bakuna.
Kinabibilangan ito nina dating Pangulong Noynoy Aquino, dating budget Secretary Florencio Abad at dating Health secretary Janet Garin.
Mga kasong technical malversation at negligence ang nakikta umanong kaso na maaring isampa laban sa mga dating opisyal.
Malinaw aniya sa imbestigasyon na minadali ang pagbili ng bakuna at hindi na sinunod ang rekomendasyon ng mga eksperto sa posibleng epekto nito sa kalusugan.
Bukod sa mga dating opisyal ng gobyerno, irerekomenda rin aniya ang pagsasampa ng kaso laban sa Sanofi pasteur dahil sa umano’y mental dishonesty nang itago ang mahahalagang impormasyon sa kanilang ibinentang bakuna.
Pero umaapila si Ejercito na dapat bago magsampa ng kaso ang gobyerno sa international court, dapat magkasundo muna ang public attorney’s office, UP-PGH at DOH sa resulta ng kanilang pagsisiyasat.
Senador JV Ejercito:
“Defenitely Secretary Abad kailangang sagutin use of savings without congressional appropriations technical malversation, Secretary Garin, they have to answer for this”.
Ulat ni Meanne Corvera